Sunday, January 8, 2012

on shoes and growing up..

“Sapatos, at kung bakit ako ganito”

Naaalala ko nung bata pa ako, lagi akong sinasamahan ng mga magulang ko na bumili ng sapatos. Tuwing magsisimula ang pasukan, pumupunta kami sa Shoemart para bumili ng dalawang pares ng sapatos, isang “black shoes”, at isang “rubber shoes”. Taon-taon yan, simula elementary hanggang highschool. Naaalala ko na tuwing pumupunta kami sa mall, inaabot kami ng oras, kundi oras-oras para lang pumili ng bibilhin na sapatos na gagamitin kong pampasok. Wala naman akong alam noon kundi maglaro at mag-aral, kaya siguro ako natatagalan pumili ng sapatos. Wala akong alam kung anong magandang tatak, anong magandang style, gano ba kamahal, o saan ako komportable. Lagi akong naka depende sa kanila. 


Hindi ko naiisip na napakarami nilang sakripisyo tuwing sasapit ang araw na iyon. Ang pag gising ng maaga para bihisan at pakainin kami bago pumunta ng mall, ang pag bitbit/akay sa amin sa pagpunta sa mall. Ngunit ang pinaka importante, hindi namin naiisip na ang pinakamalaking sakripisyo ay ang kanilang pagtatrabaho para makaipon ng pambili ng sapatos para sa akin, hindi birong magtrabaho para sa perang ipambibili mo ng kailangan ng anak mo, hindi birong mag ipon ng pera para maibili ako ng sapatos na hindi basta-basta.

Ngunit sa kabila ng lahat, pagdating naming sa mall, dahil nga wala akong alam tungkol sa mga bagay na yun, lagi akong naka depende sa kanila, lalapit ako sa estante at ituturo ang gusto ko, at lagi kong naririnig na “anak hindi mo yan kelangan”, “anak masyadong mahal yan”, o kaya “anak hindi yan bagay sayo”. Paikot-ikot kami sa mall ng halos buong araw, sukat dito, sukat doon, pero may ugali talaga ako na matagal mag desisyon, matagal mamili. Nakikita ko na naiinis na sila sa akin dahil napakatagal kong mamili ng sapatos, at lagi akong nagtatanong sa kanila, “mommy, ok na ba ‘to”, “daddy, pwede po ba ito sa akin”. Siguro nga yun ang natatak sa akin, hindi ako pwede mamili ng sarili ko dahil nga sila lagi ang magbabayad, sila ang nakaka alam kung anong para sa akin.

Lumipas ang mga panahon, ako’y nag kolehiyo, nagtapos at nakahanap ng trabaho. Marunong na ako nun mag-appreciate ng magandang sapatos, alam ko na ang mga gusto ko. Gusto ko ng pambasketball, pang-takbo, o panlakad. Natuto akong pumunta ng mag isa sa mall para tingan ang gusto kong sapatos, inaaral ko kung kailangn ko ba yun, sulit bas a perang gagastusin ko, magiging masaya ba ako pag binili ko yun. Natuwa ako dahil sa pakiramdam ng kalayaan, ang magdesisyon kung anong sapatos ang gusto ko, pinanlalaro ko yung pambasketball at tuwing suot ko yun alam kong masaya ako, na kaya kong gawin ang lahat sa court, mag shoot, dumepensa at maging competitive.

  
 

Ngunit may mga pagkakataon din na bumabalik ang pag depende ko sa mga magulang ko sa pag pili ng sapatos. Siguro dahil sa mga pagkakataon na natatakot ako na magdesisyon para sa sarili. Natatakot akong bumili dahil baka pag uwi ko at nakita nila na may bago akong biniling sapatos, baka sabihin nila na “ang mahal mahal naman nyan, sana inipon mo nalang”, o di kaya “nakabili ka ng sapatos na mahal, pero pambigay sa bayarin wala ka”. Natauhan ako nun at simula noon, natuto akong mag-isip na lahat ng bagay na bibilhin ko, dapat may kaparte, dapat iisipin ko muna sila, at hihingi ako ng sangguni nila.

 

Malaki na ako nun, at kelangan kong bumili uli ng black shoes, kaya ko naman bumili mag isa pero naisip ko na dapat pag may bibilhin akong sapatos, dapat may opinion nila. Kaya sinama ko sila uli sa SM para bumili ako ng black shoes, as usual natagalan na naman ako pumili. Iniisip ko na baka masyadong mahal, o di nila magustuhan. Hindi ko alam, baka sakit ko na yun. Naiisip ko ngayon, bakit hindi ko simulan sa sarili ko, matutong pumili ng sapatos na gusto ko at panindigan ang napili ko. Dahil oo nga naman, ako ang magsusuot nun, ako ang masasaktan kung masikip, ako ang maglilinis pag nadumihan, ako ang mag aalaga noon  dahil alam kong araw araw ko syang suot at gagamitin para marating ang mga pangarap ko. Ang sapatos na yun, ang kasama kong dalhin ang sarili ko sa buhay na gutso ko, malamang madapa, o matalisod ako habang suot ko ang sapatos na yon, pero ang totoo, pinili ko yun, at kakayanin ko yun, suot ang sapatos na pinili ko.
  
Nagpapasalamat pa din ako sa mga magulang ko, dahil sinamahan nila ako nung bata akong bumili ng sapatos, natuto akong pumili, at kumilatis. Ngayon hindi lang ako marunong mamili kung ano ang maganda, ano ang praktikal, dahil natuto akong bumili ng sapatos mag isa, natutunan ko din kung paano malaman kung saan ako masaya.